Internet Action Star
Ramon Bautista. Hindi na ako magpapatumpik-tumpik pa. Maaaring nakita mo na ang mukha niya sa kung saan-saang music video. O sa mga palabas at patalastas sa telebisyon. O sa mga pahina ng magasin. Madali namang matandaan si Ramon Bautista eh. Aminado siyang ang tanging yaman lang niya ay ang kanyang pagkamagandang lalaki. Medyo mahaba ang mukha. Makapal ang kilay. Medyo kahawig ni Luis Manzano. May nakakalokong ngiti. At ma-appeal sa chicks, pati na rin sa mga boys.
O maaaring narinig mo na siya sa radyo. Dati syang DJ sa ü92.1 FM. The Brewrats ‘yung pangalan ng programa nila ni Tado at Angel Rivero. Wala pare. Kung nakikinig ka sa kanila dati, hahanap-hanapin mo iyon. Hahagalpak ka naman lagi sa katatawa at sasakit din ang ulo mo sa pag-iisip nang malalim.
Nagtapos sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman si Ramon Bautista sa kursong Mass Communication, BA Film. Naging kaklase niya doon ang ngayo’y tanyag na direktor na si RA Rivera.
"Gumagawa-gawa kami ng mga short film. Si RA Rivera nga ang direktor. Pinasikat niya ako at pinangakuan niya ako ng kasikatan,” sabi ni Ramon sa isang interbyu.
"Naalala ko, nilagay niya sa mga music video ni Dan Michael, yung master magician, dun sa Internet. Napanood niyo na ba yun? Dun nagsimula ang lahat."
Ang Dan Michael Master Magician ay inilabas sa MTV noong 2004 kung saan bumida si Ramon. Si Dan Michael ay hango sa personalidad ng street magician na si David Blaine ngunit ang palabas na ito ay mas nakatuon sa pagpapatawa sa halip na sa salamangka sa pagkat hindi naman nga tunay na nagmamadyik si Ramon. Sa katunayan, nagkakamali pa nga ito sa kanyang mga tricks ngunit wala siyang pakialam. Bumenta ang palabas na iyon kaya isinilang ang The Ramon Bautista Show.
Ramon Bautista with guest Raimund Marasigan in the defunct The Ramon Bautista Show. |
Sa palabas namang ito, na syempre si Ramon Bautista pa rin ang bida at si RA ang direktor, ay ibinibisita nila ang mga sikat na miyembro ng banda. Minsan tinuturuan ni Ramon kung paano maggitara ang mga sikat na’ng gitarista. O mag-drums ang mga beteran na. Kahit hindi naman talaga siya marunong. Ang palabas na ito ay para sa katuwaan lang at pumatok din ito sa tao dahil sa angkin nyang talentong magpatawa kahit walang effort at sa carabao English.
"Mahiyain ako nun. Sobra. Andiyan lang ako sa isang tabi, walang pumapansin," sabi ni Ramon nang tinanong siya kung pinangarap niya noong bata pa na maging sikat. "Pangarap ko po talaga maging astronaut kaso lang, walang spaceship dito."
Hindi man siya naging astronaut at nakarating sa kalawakan, narating naman niya ang tugatog ng tagumpay. Nang dahil sa mga palabas niya sa telebisyon ay naging in demand siya. Ang unang beses niyang karanasan sa paghohost nang live ay sa PULP Summer Slam noong 2007. Hindi niya malilimutan ang pangyayaring iyon sa pagkat doon niya unang nakita na marami na pala siyang fans. Astig e, no? Ni hindi daw siya nakapaghost kahit birthday party man lang ng kanyang pamangkin tapos biglang ganun.
Naging in demand din siya sa mga patalastas. Matatandaang nakipagpalistuhan siya sa dakilang Filipino rapper na si Francis M para sa Nescafe. Siya rin ang mukha ng “Hapontukin” ng Enervon. Sumayaw-sayaw siya gamit ang kanyang McSaver Moves ng McDonald’s. Sumayaw din para sa Smart Bro SurfTV. Sinayawan si Guji Lorenzana para sa Seiko, ang wallet na maswerte. Sumakay sa kotse para sa Petron. Sumakay sa kotse na Mitsubishi Adventure. At nangampanya para sa Ako Mismo at marami pang iba, pati nga sa COMELEC!
Enervon, COMELEC, Mitsubishi Adventure, Nescafe, McDonald's, Seiko Wallet TV Ads. |
For the Ako Mismo Advocacy |
Tinagurian din siyang “Man of the Year” ng UNO Magazine para sa isyu nila noong Nobyembre 2010. Sa isang panayam sa kanya sa Kababayan LA, naitanong sa kanya kung ano ang reaksyon niya ukol sa pagkilalang iyon. Ito ang kanyang nasabi, “Siguro napakagandang lalaki ko lang talaga. Tapos maraming tumitiling mga chicks sa ‘kin.”
Cover of UNO Magazine, Nov 2010 |
Tunay talagang napakamahiyain ni Ramon Bautista. Lumabas na rin siya sa music video ng “Dear Kuya” ng dating bandang Sugarfree at ng “Ayoko Na Sa ‘Yo” ng Jeepney Joyride. Panuorin mo ‘yung bagong music video ni Yeng Constantino na “Siguro.” Naroon rin siya, sabi sa ‘yo eh. Browse ka sa YouTube, palaboy-laboy lang siya doon.
Ramon Bautista with Yeng Constantino in the making of "Siguro" music video |
Benta rin sa mga indie at short film si Ramon. Kamakailan ay naitampok din ang kanyang talento sa pamamagitan ng isang mock-umentary para sa Nestle. Kasama rin siya sa mga pelikulang itatampok sa Cinemalaya ngayong taon tulad ng Rakenrol, ni Quark Henares, kung saan gumanap siyang isang music video director na nagngangalang Flame Tigerbluden at ng San Lazaro, ni Wincy Aquino Ong, bilang si Limuel.
Kasalukuyan siyang host ng isang mock newscast at political satire na “May Tamang Balita” sa GMA News TV. Nagbibigay ito ng kakaibang pananaw sa pagbabalita at sa mga ibinabalita sa pamamagitan ng komedya. Kasama niya rito sina Sheena Halili at Maey Bautista.
GMA News TV's May Tamang Balita hosts |
Sa mga panahong hindi siya nagpapatawa o wala sa harap ng camera, ginugugol ni Ramon Bautista ang oras niya sa pagtuturo. Nagtuturo siya ng Documentary Film at Post-Production sa UP Film Institute. Natanggap na propesor si Ramon nang mailabas niya ang kanyang maikli at animated film na “Makina” na tungkol sa pagkagahaman at ang dokumentaryong “Mga Bangkang Papel sa Swimming Pool ng Kumukulong Arnibal” na tungkol naman sa paggawa ng pelikula. Umani ito ng mga parangal sa loob at labas ng bansa. Kasalukuyan niyang tinatapos ang kanyang Master’s degree sa Film.
Ang dami mong nalaman tungkol kay Ramon Bautista, no? Huwag ka nang magtataka kung makakasalubong mo na lang siya sa mall, naka-leather jacket, nakapamewang at pinaliligiran ng chicks. Kasi sikat sya. Oo, ‘yun na ‘yon. Ang lagi niyang payo sa mga estudyanteng nakakasalamuha niya, “gawin mo kung ano ang gusto mo at kung saan ka sasaya. Pero huwag ‘yung puro lang saya, dapat meron ka ring disiplina dahil baka paglaki mo maging taong grasa ka.”
I-follow sya sa www.ramonbautista.tumblr.com
Tsaka sa www.twitter.com/ramonbautista
Tapos pwede rin sa www.formspring.me/ramonbautista