Kwentong Split Ends


Sa totoo lang, hindi ko alam kung bakit ako susulat ngayon at kung tungkol saan. Ang alam ko lang... gusto ko. Hindi ako magaling magsulat. Sa katunayan, nauubusan ako lagi ng mga salitang gagamitin, nauubusan ng ideya.. ideyang matino. Pero sa tuwing babalikan at babasahin ko ang mga naisulat ko dati, para bang napapaisip ako kung ako nga ang nagsulat ng mga 'yon. Mababaw, simple, gusgusin at pasang-awa. 'Yan ang paraan ko ng paglalarawan sa aking mga latha. Ngunit dahil ako ang nagsulat, idadagdag ko ang panglimang pang-uri -- TAGOS SA PUSO.

Kasalukuyan akong nakaupo sa aking kama; gabi ngunit maalinsangan kaya't kailangan pang naka-number 3 ang electric fan. Bukas ang ilaw pati ang radyo na 6 ang volume para hindi gaanong malakas. Nasanay na 'ko na nakikinig sa radyo tuwing matutulog. Para kasing sobrang tahimik ng gabi 'pag patay 'yung radyo. 'Yun tipong kahit paglalakad ng langgam maririnig mo. At dahil nabanggit na rin naman ang langgam, gusto kong isingit na may parada ng langgam sa sahig ng banyo ko ngayon. At sa hinaba-haba ng prusisyon, sa basurahan din ang tuloy. Sa katakawan ko kasi kaninang umaga, kumain ako ng dalawang biscuit crackers (na dati ko pang tinatangkilik ngunit hanggang ngayon ay hindi ko pa rin alam ang pangalan) at isang Lemon Square na Buttermilk cupcake. At sa aking katamaran naman, dun ko na lang tinapon ang balat sa basurahan sa banyo na para lang sa gamit na tissue, napkin, at samut-saring buhok. Ayun. Sa talas ng pang-amoy ng mga langgam, nagpipyesta sila ngayon sa mapalot at kahindik-hindik na basurahan.

Nakasalubong ko kahapon sa aking pamamasyal sa mall ang matalik at dati ko nang kaibigan na itatago natin sa pangalang "Katkat." Nagkamustahan kami ni Katkat nung una at nagpayabangan na wala o isang klase lang ang inattendan nung umaga. Pagkatapos nun, tinahak na namin ang aming landas -- siya sa National Bookstore at ako naman sa Odyssey. Noong paalis na ako sa mall na 'yun ay nakasalubong ko na naman siya. Nagpaalaman at aktong tatahak na naman ng magkaibang landas nang bigla n'yang naitanong sa akin, "Bakit hindi ka na masyadong nagpe-Facebook ngayon?" Naging emosyonal ako nang panahong 'yun at hinayaang lumaglag ang mga luha sa aking mga pisngi. Joke. OA 'yun. Actually, automatic na ang sagot ko sa tanong na 'yun. Marami-raming beses na rin akong natanong o nasabihan ng katulad niyon, tulad ng, "Upload mo 'yung pics natin sa Friendster, ha?", "Nabasa mo na ba 'yung bagong post ni Sir Ely sa forum?" at "May virus ata akong naisend sa email mo, paki-delete na lang." Isa lang ang tugon ko sa mga 'yun. "Ah, eh wala kaming Internet ngayon, sira ang computer.. Basta." Halos tatlong buwan ko na rin 'yang excuse sa mga tao. E kasi naman, dial-up na nga lang 'yung connection namin, ayaw pang gumana. Para akong pilay na tinanggalan ng saklay at nagtitiis ngayon sa dalawang pirasong chopstick. Tapos biglang nabali.

Tuwing napapatigil ako sa pagsusulat ay napapatigin ako sa malaking headline sa isang pahina ng The Philippine Star na dinekwat ko pa sa library ng school. Nagsusumigaw 'yung headline: Singing out loud to rock impossibilities. At sa baba nito ay may nakasulat sa mas maliit na mga titik na, "by Ely Buendia." At sa baba pa nito ay 'yung mismong artikulo at isang litrato ni Ely Buendia na may hawak na softdrink. Nung isang buwan ko pa ito nabasa pagkatapos akong itext nung kaibigan ko na may ganito ngang article. Matapos kong basahin iyon, magkahalong kilig, saya at halos hindi paniniwala ang naramdaman ko. Gaya nung headline, nagsusumigaw din ang puso ko. Sabi nito, "More! More!" Maganda 'yung nakasulat, nakakalungkot din kasi nababanggit ang Eraserheads, pero hindi ako makapaniwalang nakapagsulat ng ganoon si Sir Ely. Parang it took him a lot to swallow his pride to write something concerning Eheads. Medyo "woah." Tapos nalaman ko na lang next week na hindi naman pala talaga si Sir Ely ang nagsulat nun, isang ghost writer daw. Tinext din sa 'kin 'yun nung kaibigan ko. Ipina-explain ko sa kanya pero mahirap daw. Tapos 'eto pa, 'eto 'yung sabi nung kaibigan ko, "Basahin mo na lang sa forum kapag nagka-time ka." Actually, marami akong time. Pero walang Internet. 'Pag walang Internet, walang forum. 'Pag walang forum, walang gagawin. Marami akong time.

09/03/09
8:54PM