Draft 1 for College Life


At sa pambihirang pagkakataon, sumabay ang pintig ng utak ko sa tibok ng puso ko.

"Ok, class. Kopyahin ninyo ang ididikta ko." Sabi nung PolSci prof namin.

Ako naman, ever ready with my notebook and pen, pumostura na agad na parang magsusulat. Konting saglit lang, nagsimula nang mag-enumeration si Sir. Elements of state. Blah blah blah. Types of government cheverlou eklavou. Rights of the chenes chenes. Habang nagsusulat ako, naririnig ko 'yung tunog ng nguso ng mga ballpen ng mga kaklase ko na naghahabol sa sinasabi ni Sir.

Ang ingay naman nun. 'Yan  kaagad 'yung naisip ko. 'Yung gamit ko kasing panulat e 'yung Pilot na G-Tech 0.4. 'Yung parang sign pen na swabe 'pag inilapat at isinulat sa papel. 'Yung kapag isinulat mo, parang tunog pumipirma lang. 'Yung tigsi-seventy pesos. Ang yabang ko e, no? E ballpen lang naman 'yun, makakaligtas ba 'yun ng buhay ng tao? Tapos naisip ko na lang, siguro cheap 'yung mga ballpen nila. Siguro kalahati sa klaseng ito naka-HBW, ang dakilang ballpen na naninilaw ang tinta sa papel kapag tumatagal. Siguro 'yung iba naka-Panda LANG, Lotus LANG, BIC LANG, free LANG sa gamot o 'yung kasamang pinamimigay ng mga pulitiko. Eewness naman, how cheap. Hindi man lang ba sila makabili kahit 'yung Dong-A My Gel lang? O kaya kahit ano basta hindi maingay 'pag pinangsulat?

Ang dami ko kaagad naisip e narinig ko lang naman 'yung tunog nung bolpen. Kung anong bilis ng aking panghuhusga ay siya ring bilis ng isang realisasyong pumasok sa isip ko. Sa college, hindi mahalaga kung saang mataas na paaralan ka nagtapos. Hindi tinatanong kung ilang clubs ang nasalihan mo para sa extracurricular activities. Hindi tinatanong kung sino'ng tatay mo o ilang medal ang sinabit sa 'yo nung graduation. Dahil kung tutuusin, kahit valedictorian ka pa nung high school, hindi malabong may mas makaaangat pa sa 'yo ngayon sa kolehiyo.

Pero isang malaking eksepsyon sa naunang talatang aking isinulat 'yung isa kong propesor. Wala lang, gusto ko lang siyang ikwento. Isa s'yang magaling, mabait at matalinong propesor. Oo, talaga, sa totoo lang. Siya rin 'yung isa sa pinakasikat na prof sa unibersidad at halos lahat ng co-workers kilala niya at kilala s'ya. Maging sa labas ng school marami siyang amiga. Kaya hindi maiiwasan, kung estudyante ka niya, itatanong niya kung kilala mo si ganito, si ganyan, si Mayor Iskempertu, o si Konsehal Skepertash. Hindi ka rin makakaligtas sa matindihang interrogation kung Valedictorian, Salutatorian, First Honorable Mention, With Honors, Best in Spelling o Best in Math ka nung high school. Kelangan mong masagot ang tanong n'ya kundi hindi ka karapat-dapat sa titulo mo. Pero on the lighter side, mapagbiro lang talaga si Sir, lalo na sa mga valedictorian. Sa palagay ko, may bitterness pa rin siya dahil salutatorian lang siya nung high school.

Pero ibabalik ko sa topic. Bihirang-bihira lang ang mga gurong ganyan. Ewan ko lang sa paaralan mo ngunit sa akin, kakaunti lang ang "valedictorian-ka-special-mention-ka-lagi-sa-class-ko" type of professor. 'Yung iba, keber lang.

At habang pinag-iisipan ko ang tungkol sa konseptong isinusulat ko ngayon, napag-isipan kong minsan talaga kailangan mong makifit-in sa mga kaeskwela mo. Kung patuloy kang magmamayabang at magmamaarte sa brand ng bolpen mo, walang mangyayari sa 'yo. Kakain ka lagi mag-isa sa canteen, matutuyuan ng laway sa klase, at worst, individual lagi sa mga group projects. Deadline: TOMORROW. Kung hindi ka makikisalamuha, kung hindi ka makikipag-usap sa 206 lbs mong kaklase, sorry ka na lang. Gagraduate ka nang aloof, doon ka pa sa likod ng stage. Kasama ang mga props.

Hindi naman sa nagmamarunong ako o nagmamagaling o nagmamalinis. Dahil katulad nga ng introduksyon ko, nanghusga kaagad ako ng mga tao. Ano'ng napala ko? Wala. Dahil sa mundo ng kolehiyo, lahat pantay-pantay. Maliban na lang sa mga class picture.

Malayo pa ang tatakbuhin ko sa college. Kumbaga, marami pa 'kong bigas na isasaing at iba ang kakain. Marami pa 'kong makikilalang kamukha ni Maja Salvador, ni John Lloyd Cruz, ni Pokwang o ni Tado. Marami pa 'kong pagdaraanan. Magfifieldtrip pa 'ko sa Maynila. Magteteyk awt pa 'ko ng hamburger na walang pipino. Magsusulat pa 'ko ng maraming ganito. Mambubulabog pa 'ko ng buhay ng tao. Mang-iinspire pa 'ko ng maraming kabataan. Ako Mismo... ang tutulong sa bayan ko. At Ako Mismo... ang magiging cover ng Candy Mag one of these years.

Pero sa ngayon, dito na lang muna ako. Sa dami kong sinabi, maaari pang magbago ang isip ko. Malay natin bukas, sinasalungat ko na 'tong isinulat ko. Hindi ako sigurado pero ang alam ko, 'eto ang nararamdaman ko ngayon. At sa pambihirang pagkakataon, sumabay ang pintig ng utak ko sa tibok ng puso ko. Kaya masaya ako na naisulat ko 'to. Kaya tandaan mo, kung sino ka mang nakababasa nito, sabi nga ng prof ko, ang politika daw, nand'yan kahit saan. Pero sa kolehiyo, balewala, ikaw man ang anak ng kapitbahay ng gobernador ng Calumpang.

Tapos. :)

06/29/09
9.50PM